Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija

SUCCESS STORIES

RENEWABLE ENERGY LANG ANG SAGOT!
by Jhoanna Keith B. Santiago (July 29, 2020)
Sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad sa ating bansa tulad ng napakalakas na bagyo, malawakang pagbaha, heat wave, mahabang tagtuyot pagkakaroon ng buhawi, pagputok ng bulkan at marami pang iba ay hudyat ngang nararamdaman na ang epekto ng “climate change”.

Lubhang naapektuhan ang panustos ng mga produktong agrikultural sa buong bansa tuwing nakakaranas ang bansa ng ganitong uri ng kalamidad. Ngunit hindi lamang ekonomiya ng bansa ang lubos na apektado rito, kundi pati buhay at kabuhayan ng bawat mamayang naninirahan.

Ayon sa pag-aaral, nakikitang sanhi nito ang gawain ng tao na lubusang nakasisira sa kalikasan sa pamamagitan ng paggamit ng mga mapanganib na kemikal na may ibinubugang greenhouse gases.
Epekto na rin ito ng mabilisang paglago ng mga gawaing pang-ekonomiya at pang-industriya noong industrial revolution na sobra-sobra sa pag-gamit ng enerhiya at likas na yaman.

Ang adaptation ay mabisang paraan ng tao upang masabayan at maibsan ang hirap sa pabago-bagong klima. Halimbawa nito ang pagtatayo ng bahay sa mataas na lebel ng lupa upang makaiwas sa pagbaha, rural energy access tulad ng pagkakaroon ng solar-powered home, paggamit ng wind turbine ay ilan lamang sa unang hakbang. Parte rin sa sustainable development goals ang climate change adaptation na pinapaigting na mapalakas lalo sa bansang Pilipinas.

Munting hakbangin

Bilang huwaran sa pagsasagawa ng aksyon laban sa climate change, si Engr. Manolito C. Bulaong o mas kilala bilang “Tolits”, 60 taong gulang, ay may sariling hakbangin patungkol dito.

Sa tahimik na barangay ng Sto. Tomas sa bayan ng San Jose, Nueva Ecija naninirahan sa kanyang munting paraiso si Bulaong, kasabay ng pagyabong ng buhay ay ang pag-abot ng kanilang pangarap ng butihin niyang maybahay na si Ederlina. Biniyayaan sila ng dalawang anak na sina Edmark na isang research assistant ngayon sa Institute of Climate Change and Environmental Management (ICCEM sa CLSU) at si Sunshine, na nagtatrabaho sa DepEd bilang isang accountant.

Sa taong 2012, bunga ng kaniyang tiyaga at angking talento, nakabuo at naipatayo ni Bulaong ang sarili niyang wind pump. Dahil sa mahina hanggang sa walang suplay ng tubig na sanhi na rin ng dumaraming populasyon ng bayan, hindi maitatanggi na malaking tulong ito sa pang araw-araw na pamumuhay nila.

Sa katunayan, hindi lamang siya ang nakikinabang dito, nagkapagpatayao siya ng apartment o boarding house sa tabi ng kanyang bahay na siyang sinusuplayan din ng tubig mula sa wind pump. Wala siyang binabayaran na monthly fee para patakbuhin ito, dahil ito'y libre lamang. Wala ring binabayarang tubig ang mga naninirahang boarders sa kanyang lugar. Isa pang benepisyo nito ay ang pagkakaroon ng suplay ng tubig kahit brownout. Hindi na kailangan ng generator upang mapagana ang water pump kundi hangin lamang para makapagsuplay ng sapat na tubig sa kanila.

“Nakita ko lamang yang ideya na yan sa internet, ni-redesign ko at ginamitan ng locally available materials, sinubukan ko lang talaga, nag-invest hanggang sa mabuo ko ito ng tama,” banggit ni Bulaong. Kasunod nito ang pagpapagawa naman niya ng solar-powered water heater, lights, at fan sa kanyang bahay.
“Nagsisimula lamang ako sa maliliit muna, practically speaking sa basic needs”, dagdag niya.

Sa kabuuan, ang fully charged battery ng solar ay kayang magpailaw at paandarin ang electric fan sa loob ng 12-16 oras.

Sa mga pagkakataong nawawala ang kuryente, hindi na ito problema ni Bulaong dahil lagi siyang may reserbang kuryente sa kaniyang bahay dahil sa kaniyang pagkukusa na gumamit ng enerhiya na nakukuha niya ng libre mula sa araw.

Ngunit ayon sa kanya, ang mabisang paggamit ng solar panels ay nakasalalay sa storage nito. Hangga't may araw, meron siyang pwedeng iipunin na enerhiya. Kailangan lang niya magpalit ng baterya ng kanyang solar panel system kada dalawang taon para mapanatili itong nasa tamang kundisyon.

Bunga ng kaniyang pagiging malikhain at hilig sa pagbuo ng mga bagay, ang mga teknolohiyang tulad ng wind pump, solar-powered water heater, lights at fan ay isang maliit na hakbang sa pag-angkop sa panahon ngayon.

Hindi maitatanggi na hindi lamang ang sarap ng buhay ang tanging hatid nito kundi pati na rin ang posibleng epekto nito sa komunidad at sa bawat taong kaniyang nakasasalamuha. Sa paggawa at paggamit niya ng renewable energy tulad ng mga nabanggit ay nagkakaroon ng pagbabago sa kaisipan – na ang maliliit niyang hakbangin ay inspirasyon sa malawakang paglaban sa lumalalang pagbabago ng klima.


Mula sa manunulat: Si Engr. Tolits Bulaong ay dating empleyado ng PHilMech kung saan siya ay naging Director I. Sa pag retiro niya mula sa PHilMech, si "Tolits" ay kasalukuyang Vice President for Research ng Agricomp Machineries and Construction Corp. Ang kumpanyang ito ay isa ring accredited manufacturer ng PHilMech.