Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija

SUCCESS STORIES

SACAMUCO: Natatanging Samahan ng Magsasaka 2014
by Ma. Cristina B. Aragon (December 2, 2014)
Hindi kailangang magbuwis ng buhay tulad nila Andres Bonifacio at Jose Rizal upang matawag na bayani. Lahat, maging tindera, drayber, o pulitiko man ay maaaring maging bayani kung naaayon at para sa kabutihan ang kanilang ginagawa.

Ang mga magsasaka ang pinakadakilang bayani para sa Kagawaran ng Pagsasaka. Marapat silang bigyan ng pagpupugay sapagkat handog nila ang bawat pagkain sa plato ng mga Pilipino araw-araw.


Bilang pagpapahalaga sa samahan ng magsasaka, ginawaran ito ng PHilMech ng Natatanging Samahan ng Magsasakang Benepisyaryo ng DA Rice Mechanization Program ngayong taon.


SACAMUCO: Natatanging samahan ng magsasaka




Ang San Carlos Multi-Purpose Cooperative o SACAMUCO ay matatagpuan sa San Francisco, Sablayan, Occidental Mindoro. Itinatag ito noong March 1990 ng may 26 na miyembro.


Kabilang sa pinagkakakitaan ng kooperatiba ay ang pangangalakal ng palay, custom servicing ng tractor at combine harvester, agricultural input trading, kantina, tindahan, at trucking. Nagbibigay din sila ng tulong pinansiyal na may mababang porsyento sa mga magsasaka ng bigas at mais.


Ang SACAMUCO ay benepisyaryo ng combine harvester sa ilalim ng DA Rice Mechanization at Postharvest Program noong taong 2011. Bukod sa combine harvester, napagkalooban din sila ng Multi-Purpose Drying Pavement (MPDP) ng programa noong 2012.

“Malaking tulong sa amin ang combine harvester na ipinagkaloob ng DA. Bukod sa nakatitipid kami sa gastusin ng pag-aani, mas napapadali pa at nasisiguro ang magandang ani namin lalo na kapag tag-ulan. Nakadagdag din sa kita ng kooperatiba ang bayad ng mga nagpapa-ani gamit ang combine harvester,” ayon kay Doris Ortega, manager ng kooperatiba.

Noong unang taon ng pagpaparenta nila ng combine harvester, 13 porsiyento ng kabuuang ani ang singil nila. Ngunit dahil sa dumaraming bilang ng nasabing makinarya sa kanilang lugar, ibinaba nila ito sa 11 porsiyento.

Tulad ng ibang kooperatiba, ang SACAMUCO ay dumanas din ng mga problema na siyang sumubok sa katatagan nito.

Ayon kay Felipe Gamuyao, isa sa mga nagtatag ng kooperatiba at kasalukuyang chair nito, isa sa mga naging problema na hinarap nila ay ang hindi pagbabayad sa oras ng mga umutang sa kanilang loan assistance. Upang maresolba ang problema, napagkasunduan ng mga miyembro na puntahan sa kani-kanilang mga bahay ang mga hindi pa nakakabayad upang masingil ang mga ito.

Sadyang ipinakita nila ang pagdamay sa kapwa at kagustuhang makabawi ang mga naturang magsasaka sa pamamagitan ng pagpapahiram muli ng pera sa mga ito pagkatapos nila magbayad. Dahil na rin sa pagdami ng kanilang miyembro, naging suliranin din ng kooperatiba ang kakulangan ng makinarya na sasapat sa pangangailangan ng kanilang lumalaking grupo.

Gamit ang kinita sa combine harvester na ipinagkaloob ng DA, nakabili ng isa pang makinarya ang kooperatiba pagkaraan ng isang anihan. Ngayon, mas natutugunan na ang pangangailangan ng lahat ng miyembro tuwing anihan. Naipaparenta rin nila ang mga ito sa ibang asosasyon o magsasaka na hindi nila miyembro na siyang dahilan upang magkaroon ng dagdag na kita ang kooperatiba.

“Maraming benepisyo ang nakuha naming mga makinarya mula Rice Mechanization Program. Maraming natutunan na mga bagay tungkol sa mekanisasyon. Sa mga hands-on training, lahat natuto magdrive ng traktora,” dagdag pa ni Ortega, manager ng koop.

Dahil sa pagsisikap ng mga opisyal ng SACAMUCO, nakakatanggap na ngayon ng mga benepisyo ang mga miyembro at empleyado ng kooperatiba tulad ng pagkakasapi nila sa Social Security System (SSS) at pagkakaroon ng life insurance. Sa kasalukuyan ay mayroon ng 261 na miyembro ang SACAMUCO at patuloy ang kanilang pagtutulungan upang lalong umunlad ang kooperatiba at ng buhay ng mga kasapi nito.

Ang SACAMUCO ay naging natatanging samahan ng magsaska 2014 dahil sa naitalang mataas na bilang ng paggamit ng bawat makinaryang kanilang natanggap mula sa DA na nagresulta sa pagbili pa ng karagdagang mga makabagong makina at sa di matatawarang epekto ng mekanisasyon sa kanilang samahan at sa lipunang kanilang ginagalawan.

Ang SACAMUCO bilang natatanging samahan ng mga magsasaka ay isa lamang sa mga grupo ng mga magsasakang bayaning dumanas ng pagsubok, bumangon at tumulong upang subuking maging sapat ang pagkain sa ating bansa. Ang bawat araw na pinagyayaman nila ang kanilang samahan at ang kanilang mga bukirin ay iniaalay nila sa bawat Pilipinong umaasa sa pagkain handog nila.

Saludo ang Kagawaran ng Pagsasaka at ang PHilMech sa bawat samahan ng magsasakang bayani sa kani-kanilang paraan, marapat na matanim sa puso at isipan ng bawat Filipino na ang bawat magsasaka ay bagong bayani ng ating lahi.