STORIES

Magaan ang buhay sa Grain Probe Moisture Meter!

“Five-star para sa akin ang teknolohiyang ito dahil sa dali at gaan nitong gamitin”

Ito ang paglalarawan ni Jaime Blanco, 67, at chairperson ng Hillside Multipurpose Cooperative sa Villasis, Pangasinan, na isang technology adopter ng PHilMech-developed Grain Probe Moisture Meter.

PAGPAPAKILALA SA TEKNOLOHIYANG PHILMECH

Si Jaime ay tatlong taon nang chairperson ng Hillside Multi-Purpose Cooperative. Siya ay matatawag na rin na pioneer sa naturang kooperatiba sapagkat mula ng itinatag ito noong 2009 ay kasapi na siya at nagsilbing Entrepreneur Officer hanggang sa maging chairperson noong 2019.

Taong 2018 naman noong nakilala ni Jaime ang PHilMech Grain Probe Moisture Meter sa pangunguna ni Engr. Arlene Joaquin - ang project leader mula sa Agricultural Mechanization Division. Una pa lang na magamit nila Jaime ang teknolohiya ay agad na silang napabilib sa teknolohiyang ito dahil sa gaan at pagka-dali nitong gamitin. Hindi nga ito maikakatwa sapagkat hanggang ngayon ay ginagamit pa din ito ng kooperatiba.

“Personal na nagpunta ang grupo ng PHilMech dito sa pangunguna po ni Engr. Arlene Joaquin at nagustutuhan po namin yung teknolohiya sapagkat noong sinubukan po namin ay magaan gamitin at eksakto ang kanyang reading” sabi ni Jaime.

Ang teknolohiyang ito ay ginawa para mapabilis habang nagbibigay ng eksaktong pagkuha ng moisture content sa palay at mais. Ang test chamber ay may kapasidad na 100 grams at mayroong menu panel at handle para magaan at episyenteng paggamit. Hindi na kailangan pang magpabalik-balik para kumuha ng samples at ilagay sa moisture meter at maghintay ng matagal para makuha ang reading.

Ayon kay Jaime, kayang tumagal ng dalawa hanggang tatlong araw ang baterya kapag ito ay puno. Dagdag pa dito, nagagamit nila ang teknolohiyang ito sa isa hanggang dalawang daang kaban na bigas o mais kada araw.

Sa ilang moisture meter na nagamit na ng kanilang kooperatiba, masayang naibalita ni Jaime na ang moisture meter na gawa ng PHilMech lamang ang nakapagbigay sa kanila ng kagaanan at episyenteng panukat ng moisture content.

“May mga nagamit na kaming moisture tester, ngunit talagang hindi maipagkakaila na itong galing sa PHilMech ang pinakamagandang gamitin,” ani Jaime.

Ayon kay Jaime, sa 13 years niya sa industriya ng pagsasaka ay nasubukan niya na ang iba’t ibang klase ng moisture meter ngunit dito lamang sila sa ginawa lang ng PHilMech sila nagtagal.

ENHINYERONG MAGSASAKA

“Nasa agrikultura ang pera.”

Iyan ang tumimo sa isipan ni Jaime mula 1982 nang piliin niyang magsaka kaysa ituloy ang karera bilang Electrical Engineer. Nakita ni Jaime ang kahalagahan ng agrikultura lalo na sa ating bansa kaya’t hindi siya nagdalawang isip na pasukin ang pagsasaka kahit malayo ito sa kaniyang tinapos na kurso.

Ayon sa kaniya, lalo pa siyang nagpapasalamat dito dahil sa mga iba’t ibang makabagong makinaryang pansaka na ibinibigay ng gobyerno na ayon sa kanya ay malaking tulong sa pagpapaunlad ng industriya ng pagsasaka.

Isa ang Grain Probe Moisture Meter ng PHilMech sa nagpabago ng kanilang nakagawian sa pagbili ng palay sapagkat nakukuha kaagad nila ang moisture content ng isang palay at nadadala pa nila umano ito sa iba’t ibang lugar dahil hindi naman ito kabigatan at matagal din siyang magagamit kumpara sa ibang moisture meters. Ayon kay Jaime, kumpara sa gamit nilang panukat bago dumating ang PHilMech Grain Probe Moisture Meter na kailangan pang kumuha ng sample ng palay o mais at ilagay sa moisture meter at hihintaying mabasa ang moisture content nito.

“Dito sa PHilMech Grain Probe Moisture Meter ay itutusok na lang namin sa sako ng aming susukatin at segundo lang ang bibilangin, lalabas na kaagad ang reading," ani Jaime.

Ayon pa kay Jaime, talagang eksakto ang pagbasa ng PHilMech Grain Probe Moisture Meter sa moisture content ng palay o bigas. Kailangan lang maglaan ng 0.5-0.7 percent na pagkakaiba, ngunit ito ay maliit lamang at ikinokonsidera pa rin ito na tamang moisture content reading.

GAAN SA KABUHAYAN

“Kapag bibili kami ng palay sa ibang lugar ay dala-dala namin itong Grain Probe Moisture Meter. Napakagaan lang, handy at efficient talaga. Kung ikukumpara ito sa mga nagamit na namin dati ay talagang mas handy ito at hindi pa nasasayang ang oras sa pagkuha ng sample at ilalagay pa sa moisture tester. Dito ay itutusok mo lang at mababasa na agad,” sabi ni Jaime

Ayon kay Jaime, napakahalaga na matukoy ang moisture content ng kanilang inaning palay o mais upang hindi agad masira ang mga ito kapag inimbak na. “Magtatagal din ang shelf life nito kapag tama ang moisture content at hindi agad mabubulok” dagdag pa niya.

Hiling lamang ni Jaime ay tuloy-tuloy pa sana ang paggawa ng ahensya ng katulad ng PHilMech Grain Probe Moisture Meter na teknolohiya na malaking tulong sa katulad nilang koperatiba at magsasaka.

Photo by: Danilo T. Esteves
Republic of the Philippines
All content is in the public domain unless otherwise stated.
About GOVPH
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.