Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija
(044) 4560-213, od@philmech.gov.ph

NEWS STORIES

PHilMech Technologies, Tampok sa Isinagawang Extension Interventions sa Bicol Region
by Vanessa D. Pallar, Jannie Gracelyn A. Sumague (September 24, 2026)
Itinampok ng PHilMech ang mga teknolohiya nito, kabilang ang grain probe moisture meter at non-destructive coffee moisture meter, sa extension interventions na ginanap sa Naga City noong September 23 at sa Pili, Camarines Sur noong September 24.

Sa pamamagitan ng Technology Briefing at Technology Forum na isinagawa ng Applied Communication Division at Technology Management and Training Division ng ahensiya, naibahagi sa 65 na magsasaka at kawani ng Local Government Units (LGU) ang mga kaalaman hinggil sa mga teknolohiya ng PHilMech.

Pinangunahan ni PHilMech Engr. Arlene C. Joaquin, technology generator mula Bioprocess Engineering Division, ang extension intervention kung saan tinalakay ang technical specifications, principles of operation, at wastong paggamit ng grain probe moisture meter at non-destructive coffee moisture meter. Gamit ang mga teknolohiya, maaari nang matukoy ang moisture content ng palay, kape, at mais na nakaaapekto sa kalidad, kaligtasan, at marketability ng mga produkto.

Upang mas magkaroon ng malalim na pang-unawa ang mga kalahok, nagkaroon din ng serye ng mga hands-on activities kung saan itinuro tamang pagbasa ng moisture content na magagamit sa pagdedesisyon kaugnay ng pagpapatuyo at pag-iimbak ng mga produkto.

Nagpahayag naman ang ilang kalahok ng kanilang positibong karanasan at pananaw hinggil sa mga isinagawang aktibidad.
“Nagpapasalamat ako sa Radyo Natin, in collaboration ng PHilMech, ipinakilala sa atin kahit sa maliit na [technologies], para tayo ay magkaroon ng knowledge. Hindi na tayo malugi sa ating ibinebentang palay,” ani Nataniel Cleriho mula sa Naga City.

Dagdag pa ni Emerson Lopez ng LGU-Milaor, “Sa PHilMech, may mga makabagong technology na natutunan kami, kung paano gamitin sa makabagong panahon ngayon.”

“Bibihira yung ganito (technology forum), sana continue kaming makapag-attend sa ganitong forum para ‘yung mga farmers ay nai-inform kung [anong] technologies ang pwedeng i-apply sa [kanilang] farm,” saad naman ni Mary Rose Bayos, Engineer III mula sa LGU-Baao.

Samantala, layon din ng aktibidad na mapagtibay ang ugnayan ng PHilMech at iba’t ibang LGUs tungkol sa implementasyon ng mga programa nito sa sektor ng agrikultura, kabilang na ang lokal na pamahalaan ng Naga City, na nangasiwa sa koordinasyon ng farmer-participants, gayundin ang mga LGU ng Baao, Milaor, at Pili.

Sa kabuuan, layunin ng mga extension intervention na ipakilala, ilapit, at hikayatin ang mga potential adopters sa paggamit ng PHilMech-generated technologies, na makatulong sa pagbawas ang postharvest losses at pagpapabuti ng kalidad ng mga produktong agrikultural.