Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija
(044) 4560-213, od@philmech.gov.ph

NEWS STORIES

Benepisyaryo ng CFIDP-SFP sa Bohol, kinilala bilang Coco-Based Learning Site for Agriculture
by Cristine Joy S. Corpuz (June 23, 2026)
Opisyal na kinilala ang Aguipo Coconut Farmers Multi-Purpose Cooperative (ACFMPC) sa Mabini, Bohol bilang isang Coconut-Based Learning Site for Agriculture (LSA) sa ginanap na awarding ceremony at paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) noong June 22, 2026.

Ito ang kauna-unahang benepisyaryo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan-Shared Facilities for Processing (CFIDP-SFP) na natulungan ng PHilMech at kinilalang Agri-Processing Learning Site for Agriculture.

Ang pagkilalang ito ay isang hakbang sa pagpapalakas ng kakayahan ng kooperatiba sa pagbabahagi ng kaalaman at teknolohiya sa sektor ng pagniniyog. Bilang isang accredited Learning Site for Agriculture ng Agricultural Training Institute (ATI), magsisilbi ang ACFMPC bilang sentro ng mga pagsasanay, demonstrasyon ng makabagong teknolohiya, at iba pang gawaing pang-agricultural extension para sa mga magniniyog at iba pang stakeholder.

Matatandaang noong February 25, 2026, tinanggap ng ACFMPC ang White Copra Drying Facility sa ilalim ng programang CFIDP-SFP. Bilang Coco-Based LSA, inaasahang magsisilbi rin ang pasilidad bilang demonstration facility para sa mga pagsasanay at pagpapalaganap ng makabagong teknolohiya at tamang pamamaraan sa pagproseso ng white copra.

Mahalaga rin ang naging tungkulin ng PHilMech, sa pangunguna ng Technology Management and Training Division (TMTD), sa proseso ng pagkilala sa kooperatiba bilang LSA. Ang TMTD ang nakipag-ugnayan sa kooperatiba at sa ATI Region VII upang masimulan ang kanilang aplikasyon. Inalalayan din sila ng TMTD sa paghahanda at pagsumite ng mga kinakailangang dokumento hanggang sa matagumpay nilang makamit ang pagkilala bilang LSA.

Dumalo sa programa ang mga kinatawan ng Agricultural Training Institute–Central Visayas sa pangunguna ni Officer-in-Charge Center Director Vianney T. Ojerio, kasama sina Senior Agriculturist at Partnerships and Accreditation Section Chief Merigine C. Otara at Agriculturist II Jeffrey O. Awas. Nakiisa rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng PHilMech na sina Mr. Rehden Marck L. Cuenca at Ms. Jenny Rose A. Soriano mula sa PHilMech-TMTD, gayundin ang pamunuan at mga miyembro ng ACFMPC sa pangunguna ng LSA Cooperator na si Mr. Romeo B. Piquero.

Sa pamamagitan ng pagkilalang ito, higit na mapapalawak ang pagpapalaganap ng mga makabagong teknolohiya sa pagproseso ng niyog at maisusulong ang layunin ng CFIDP-SFP na mapataas ang produktibidad, kalidad ng produkto, at kabuhayan ng mga magniniyog sa bansa.