Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija
(044) 4560-213, od@philmech.gov.ph

NEWS STORIES

AnCEF implementation, pinaghandaan sa inter-agency alignment meeting
by Joanna Aquin R. Hofileña (June 22, 2026)
Bilang paghahanda sa implementasyon ng Republic Act No. 12308 o ang Animal Industry Development and Competitiveness Act, nagdaos ng alignment meeting ang mga pangunahing ahensya ng Department of Agriculture at iba pang katuwang na institusyon ngayong June 22 sa PHilMech Training Hall.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech), Bureau of Animal Industry (BAI), National Livestock Program (NLP), National Meat Inspection Service (NMIS), National Dairy Authority (NDA), at Philippine Carabao Center (PCC). Dumalo naman ang Agricultural Training Institute (ATI) sa pamamagitan ng online platform.

Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni PHilMech Director IV at Scientist IV Dr. Dionisio G. Alvindia ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya upang matiyak na magiging epektibo ang mga programa at pasilidad na ipatutupad at makatutugon sa pangangailangan ng livestock sector.

Samantala, ipinahayag ni National Livestock Program Director at Scientist IV Dr. Claro N. Mingala ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano at pagtutulungan ng mga ahensya upang maisakatuparan ang mga layunin ng bagong batas para sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng industriya ng hayupan sa bansa.

Tinalakay sa pagpupulong ang mahahalagang provision ng RA 12308 at ang presentasyon ng National Animal Industry Development Plan, partikular ang pagtatayo at pagpapabuti ng mga Shared Primary Processing Facilities.

Ibinahagi ng PHilMech ang mga karanasan at mahahalagang aral mula sa pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) at Coconut Farmers and Industry Development Plan - Shared Facilities for Processing (CFIDP-SFP). Tinalakay rin ang mga paunang usapin kaugnay ng pagbuo ng implementing guidelines para sa Animal Competitiveness Enhancement Fund (AnCEF) Mechanization Program.

Isa ring mahalagang bahagi ng pagpupulong ang presentasyon ng mga Infrastructure at Machinery Proposals para sa FY 2027 mula sa iba't ibang ahensya. Kabilang sa mga inilahad na programa at proyekto ang Livestock Economic Enterprise Development (LEED) Program, National Waste Resource Management Program, Provision of Agricultural Equipment Facilities, Livestock Auction Market cum Multi-Purpose Animal Management Facility, Enhancing Compliance to Food Safety and Facilitating Movement of Livestock through Rehabilitation of Locally Registered Meat Establishments (LRMEs) into Small-Scale Meat Establishments, at Carabao Industry Impact Assessment.

Bilang pagtatapos, tinalakay din ang hinggil sa implementasyon ng mga programa para sa pagpapaunlad at augmentation ng food safety, animal extension support, at training services sa pagitan ng PHilMech, ATI, BAI, PCC, at NDA.

Inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang alignment meeting upang matiyak na ang mga planong imprastraktura, makinarya, at support services ay magkakaugnay at naaayon sa layunin ng Animal Industry Development and Competitiveness Act na palakasin ang mga industriya ng livestock, poultry, at dairy sa bansa.

Sa ilalim ng batas, 14 porsyento ng AnCEF ang nakalaan para sa PHilMech upang manguna sa pagtatayo at pagpapahusay ng mga shared service facility, kabilang ang mga pangunahing processing facilities gaya ng slaughterhouses, poultry dressing plants, dairy milk collection facilities, at meat processing at storage, maging ang pagpapaunlad ng dairy logistics at cold chain systems, at pamamahagi ng mga equipment para sa pagtatatag ng mga biosecure livestock production facilities.