Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija
(044) 4560-213, od@philmech.gov.ph

NEWS STORIES

41 college students sumailalim sa pagsasanay sa drying and milling
by Mary Ann Rose G. German, Vanessa D. Pallar (June 19, 2026)
Isinagawa ng PHilMech ang “Training Course on Mechanization and Postharvest Technologies: Drying and Milling” sa PHilMech Training Hall sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija noong June 16-17, 2026.

Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok sa mga makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pagpapatuyo at paggiling ng palay upang mapanatili ang kalidad ng butil at mabawasan ang postharvest losses.

Dinaluhan ito ng 41 kalahok, kabilang ang 35 estudyante ng Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering at anim na estudyante ng Bachelor of Science in Biology mula sa iba't ibang unibersidad.

Tinalakay sa pagsasanay ang rice anatomy and physical properties, grain quality, grain deterioration and prevention, rice drying and milling principles, moisture content determination, paggamit ng grain moisture meter, at operasyon ng impeller rice mill at rice processing system.

Nagkaroon din ng hands-on activity sa PHilMech Technology Management and Demonstration Center kung saan nakita at nasubukan ng mga kalahok ang iba't ibang postharvest technologies tulad ng Flatbed Dryer, Impeller Rice Mill, Shega III Grain Moisture Meter, at Grain Probe Moisture Meter.

Bahagi rin ng programa ang field tour sa RCEF Rice Processing System Project sa Brgy. Franza, Science City of Muñoz, Nueva Ecija upang makita ng mga kalahok ang aktwal na operasyon ng rice processing system at ang ambag nito sa pagpapahusay ng pagproseso ng palay.

Ayon sa mga kalahok, nakatulong ang kombinasyon ng lectures, hands-on activities, at field tour upang higit nilang maunawaan ang praktikal na aplikasyon ng mga postharvest technologies at mai-ugnay ang mga ito sa kanilang pag-aaral at pananaliksik.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, binigyang-diin ni Acting Chief Domingo R. Miranda ng Technology Management and Training Division (TMTD) ang kahalagahan ng pagsasama ng teorya at aktwal na aplikasyon sa paglinang ng kakayahan ng mga kalahok.

Naging posible ang aktibidad sa pagtutulungan ng TMTD, Bioprocess Engineering Division, Laboratory Services Division, Agricultural Mechanization Division, at Planning, Management and Information Technology Division ng PHilMech.