Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija

NEWS STORIES

Turnover ng white copra drying facility, isinagawa sa Negros Oriental
by Cristine Joy S. Corpuz (April 13, 2026)
Isinagawa noong April 10 sa Zamboanguita, Negros Oriental ang turnover ng White Copra Drying Facility sa Zamboanguita Small Coconut Farmers Multi-Purpose Cooperative (ZASCOFAMCO), ang kauna-unahang pasilidad para sa white copra sa lalawigan.

Pinangunahan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) ang aktibidad bilang isang convergence event na nagpapakita ng sama-samang suporta ng pamahalaan. Sa kanyang mensahe, tiniyak ni PHilMech Director IV Dr. Dionisio G. Alvindia ang patuloy na suporta at posibleng karagdagang tulong sa kooperatiba, basta’t mapanatiling maayos ang operasyon ng pasilidad.

Binigyang-diin naman ni G. Ronald A. Roxas, kinatawan ni Congresswoman Janice Mira Degamo, ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa sustainability ng proyekto. Gayundin, nagpahayag ng pasasalamat si PCA Regional Manager Ms. Aurora L. Paquibot sa lahat ng ahensyang katuwang at iginiit na mahalaga ang sama-samang pagkilos upang magtagumpay ang proyekto.

Ang proyekto ay bahagi ng Coconut Farmers and Industry Development Plan – Shared Facilities for Processing (CFIDP-SFP), na naglalayong mapataas ang kita ng mga magniniyog sa pamamagitan ng produksyon ng high-value white copra.

Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa PCA, Department of Public Works and Highways (DPWH), Agricultural Training Institute (ATI), Cooperative Development Authority (CDA), Department of Trade and Industry (DTI), Pamahalaang Panlalawigan ng Negros Oriental, Pamahalaang Bayan ng Zamboanguita, tanggapan ni Congresswoman Degamo, at mga miyembro ng ZASCOFAMCO.

Nagpahayag ng pasasalamat ang ZASCOFAMCO at tiniyak ang maayos na pamamahala ng pasilidad. Inaasahang makikinabang dito ang daan-daang maliliit na magniniyog sa lugar sa pamamagitan ng mas mataas na kita at maayos na produksyon.

Patuloy namang isinusulong ng pamahalaan ang pagpapatayo ng mga kahalintulad na pasilidad sa iba pang bahagi ng bansa upang mapalakas ang industriya ng niyog.