Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija

NEWS STORIES

PBBM, nakiisa sa harvesting at postharvest activities sa Guimba, Nueva Ecija
by Karl Allen V. Aquino, Mark Dheniel A. Gutierrez (March 24, 2026)
GUIMBA, NUEVA ECIJA – Bumisita si Pangulong Ferdinand 'Bongbong' R. Marcos Jr. noong March 13 sa Barangay Casongsong, Guimba, Nueva Ecija upang makiisa sa harvesting, drying, at milling activities ng Cooperative Enterprise for True Economic Reform (CENTER).

Sa aktibidad, personal na nagmaneho ng rice combine harvester ang Pangulo at nakiisa sa pag-aani ng palay kasama ang mga lokal na magsasaka ng CENTER. Matapos ang pag-aani, sinaksihan ng Pangulo ang pagpapatuyo ng palay gamit ang recirculating dryer.

Kasunod nito, nagtungo ang Pangulo sa state-of-the-art Rice Processing System II (RPS II) upang masubaybayan ang proseso ng pagkiskis ng palay tungo sa de-kalidad na bigas.

Matatandaang pinasinayaan ang RPS II noong August 29, 2024, na nagkakahalaga ng Php 60.29 million, bilang bahagi ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program na pinangungunahan ng PHilMech.

Kasama rin sa aktibidad sina DA Secretary Francisco “Kiko” P. Tiu Laurel, Jr., PHilMech Director IV Dr. Dionisio G. Alvindia, at PHilMech Director III Joel V. Dator.

Binigyang-diin ni Dir. Alvindia ang papel ng postharvest facilities sa pagsuporta sa mga magsasaka at pagpapanatili ng kalidad ng kanilang ani.

“Sa ilalim ng RCEF 2.0, mas malaki na ang porsyento ng postharvest facilities na ipamimigay sa mga magsasaka upang mas mapreserba ang kalidad ng kanilang ani,” payahag ni Dir. Alvindia.

Ang naturang RPS II sa ilalim ng RCEF Mechanization Program ay isang makabagong pasilidad para sa pagpapatuyo at paggiling ng palay. Layunin nitong mabawasan ang postharvest losses, mapataas ang kita ng mga magsasaka, mapabuti ang kalidad ng milled rice, at mapalawak ang paggamit ng makinarya sa produksyon ng palay.