Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija

NEWS STORIES

Central Luzon, tumanggap ng unang batch ng makinarya mula sa RCEF 2.0
by Christine V. Ang (August 29, 2025)
Pormal nang iginawad sa 194 farmers’ cooperatives and associations (FCAs) at local government units (LGUs) sa Central Luzon Region ang mga makinaryang pansaka mula sa ikalawang yugto ng RCEF Mechanization Program.

Sa pangunguna ng PHilMech, tinanggap ng mga benepisyaryo ang 2 units ng four-wheel drive tractor at 20 units ng combine harvester ngayong August 29.

Ang mga ito ay bahagi lamang ng 228 units ng makinaryang nakatakdang ipamahagi sa buong rehiyon ngayong 2025 na nagkakahalaga ng Php497 million. Ang natitirang mga units ay ihahatid direkta sa mga FCAs at LGUs sa pamamagitan ng onsite delivery na pangungunahan ng Luzon A Cluster ng ahensya.

Kabilang sa mga probinsiyang makatatanggap ng tractors at combine harvester ay ang Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales.

Ayon kay Danilo C. Labrador, vice president ng Zambales Agri-Farmers Entrepreneurship Association, Inc., ang four-wheel drive tractor ay ang kauna-unahang makinarya na matatanggap ng kanilang samahan.

"Salamat sa pagkakataon. Sisiguraduhin namin na lahat ng makinaryang aming matatanggap ay bibigyan namin ng pagkalinga at pag-iingat upang magkaroon ito ng mahabang serbisyo, hindi lamang para sa aming asosasyon, pati na rin sa mga hindi kasapi ng aming asosasyon,” ani Labrador.

Dagdag pa niya, “sisikapin naming maging maayos at maunlad ang aming kabuhayan sa pamamagitan ng tulong na ito ng ating pamahalaan.”

Sa implementasyon ng RCEF 1.0, mula 2019 hanggang 2024, umabot na sa 3,726 units ng makinarya ang naipamahagi sa rehiyon na may kabuuang halaga na Php4.2 billion.