Republic of the Philippines
DEPARTMENT OF AGRICULTURE
Philippine Center for Postharvest
Development and Mechanization
CLSU Compound, Science City of Muñoz, Nueva Ecija

NEWS STORIES

PHilMech, kinilala ang 3 CFCs sa Tawi-Tawi para sa CFIDP-SFP program
by Cristine Joy S. Corpuz (December 12, 2025)
Tatlong coconut farmer cooperatives (CFCs) sa Mapun, Tawi-Tawi ang opisyal na tumanggap ng Certificates of Eligibility mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) noong December 6. Ito ay matapos nilang matugunan ang minimum requirements upang maging kwalipikadong benepisyaryo ng Integrated Coconut Downstream Products o Shared Facility for Processing (SFP) ng programang Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).

Bilang bahagi ng suporta, magbibigay rin ang PHilMech ng technical assistance para sa paghahanda ng mga documentary requirements at business plan.

Ang mga certificates ay ipinagkaloob ni PhilMech Director III Joel V. Dator, na kumakatawan kay Director Alvindia, Member of the Parliament ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Atty. Jet Lim, at lokal na pamahalaan na pinangunahan nina Vice Mayor Rambie Sadjiril at Administrator Julian Lim Jr.

Sa kanyang mensahe, muling tiniyak ni Director Dator ang buong suporta ng PHilMech sa pagpapatupad ng programa sa Mapun. Tiniyak din niyang makatutulong ang pasilidad sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng niyog, pagpapakilala ng modernong teknolohiya, at pagpapataas ng kita ng mga magsasaka.

Nagpasalamat naman si MP Jet Lim sa ahensya para sa mga paparating na proyekto at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtulong at pagsama sa mga munisipalidad tulad ng Mapun sa mga proyekto ng gobyerno upang matiyak na walang komunidad ang mapag-iiwan, lalo na ang mga nasa malalayong isla.

Samantala, tinalakay naman ni Dr. Andres M. Tuates Jr. ang comprehensive overview ng CFIDP-SFP, kabilang ang mga layunin, implementation strategies, at benepisyo nito para sa mga coconut farmers.

Nagpahayag rin ng pasasalamat sina Vice Mayor Sadjiril at Administrator Lim sa PHilMech at kay MP Lim sa kanilang patuloy na suporta. Binigyang-diin nila na ang itatayong pasilidad ay isang malaking hakbang para mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka, mula sa access sa makabagong makinarya, mas episyenteng produksyon, hanggang sa mas mataas na oportunidad sa kita.